
Paggamit ng Crypto sa Argentina
Ayon sa datos ng isang survey mula sa Latin America, ang Argentina ay isa sa may pinakamaraming gumagamit ng crypto sa rehiyon. Halimbawa, natuklasan ng Americas Market Intelligence (AMI) na 27% ng mga sumagot na Argentine ang "regular" na bumibili ng crypto sa kasalukuyan ng 2022, at 15% ang itinaas nito simula noong 2021. Napag-alaman din ng AMI na 98% ng mga Argentine ay may-alam tungkol sa cryptocurrency, at isa sa limang residente ay nagbabalak bumili ng crypto sa hinaharap.
Ayon sa Chainalysis, isa ang Argentina sa pinakamabilis na lumalagong mga merkado ng cryptocurrency. Sa katunayan, inilagay nito ang Argentina sa ika-13 posisyon sa 2022 Global Crypto Adoption Index nito. Napansin ng mga mananaliksik sa Chainalysis na ang pagtanggap ng stablecoin sa Argentina ay napakataas, kung kaya't may paraan ang mga Argentine na makaiwas sa mataas na implasyon sa bansa nila. Ayon sa on-chain data noong 2021–2022, gumamit ang mga tao ng mga stablecoin na nakatali ang halaga sa USD, tulad ng Tether (USDT) at USDC o USD para sa kalakhang minorya ng mga pagbabayad.
Napag-alaman din ng mga ulat mula sa Morning Consult na malaki ang pagtitiwala ng mga Argentine sa mga crypto asset kaysa sa mga residente ng ibang bansa. Ayon sa isang survery noong 2022, humigit-kumulang 60% ng mga sumagot sa Argentina ang nagsabing "malaki" o "bahagya" silang nagtitiwala na lalaki ang halaga ng Bitcoin at iba pang cryptocurrency sa loob ng 1–2 taon. Walang ibang bansa sa survey ng Morning Consult ang nagkaroon ng ganitong kalaking pagtitiwala sa crypto. Gayunpaman, karamihan sa mga Argentine ay naniniwala pa rin na ang U.S. dollar at ginto ay mas ligtas na pangmatagalang investment kaysa BTC.
Bakit tinatangkilik ang crypto sa Argentina?
Ang napakataas na implasyon sa Argentina ang pangunahing dahilan kung bakit naghahanap ng alternatibong investment ang mga lokal tulad ng mga cryptocurrency. Sa loob ng ilang dekada, ang bansang ito sa Latin America ay nahihirapan sa mga dalawang-numerong antas ng implasyon para sa Argentine peso nito. Ang taunang rate ng implasyon para sa peso ay tumalon mula 10.46% noong 2010 tungong 42.02% noong 2020. Umabot pa ang inflation rate ng bansa sa nakagugulat na 94.8% noong 2022.
Habang patuloy na bumaba ang halaga ng peso, mas maraming Argentine ang nawalan na ng tiwala sa fiat currency nila. Napag-alaman ng Morning Consult na 35% lamang ng mga Argentine ang naniniwalang mananatili ang halaga ng peso sa loob ng 1–2 taon, ang pinakamababang marka ng kumpiyansa para sa lahat ng bansang sinurvey. Sa sobrang baba ng kumpiyansa nila sa lokal nilang pera, marami ang pinipiling gumamit na lang ng ibang currency.
Sa loob ng maraming taon, umasa ang mga Argentine sa U.S. dollar bilang alternatibo sa peso. Ayon sa mga kamakailang pagtataya mula sa Banco Central de la República Argentina (BCRA) (Bangko Sentral ng Argentina), mayroon nang $230 bilyon halaga ng USD na nakaimbak sa mga pinansyal na institusyon at mga sambahayan ng bansa. Para matugunan ang labis na pagdepnde sa dayuhang pera, nagpakilala ang Argentina ng mga bagong buwis at exchange rate sa trading sa pagitan ng peso at USD. Sa ilalim ng mga kasalukuyang patakaran ng Argentina, limitadong halaga lang ang maaaring bilhin ng mga resident mula sa isang bangko. Nagpatupad rin ang pamahalaan ng 35% withholding tax sa mga transaksyon sa USD noong 2022.
Ang tumitinding hirap ng pagpapalit ng peso sa USD ang nagtulak sa maraming Argentine na sumubok ng mga digital currency gaya ng Bitcoin, Ethereum (ETH) at mga stablecoin. Karaniwang mas madali, mas mura at mas mabilis ang paggamit ng crypto kumpara sa tradisyonal na currency exchange. Bukod dito, nakatutulong din ang mga virtual currency sa mga Argentine na maiwasan ang panganib ng pagbili ng USD sa black market.
Bukod sa inflation at bagong mga forex rate, marami ring Argentine ang nag-aalala sa posibilidad na ma-freeze ang mga savings at checking account nila ng mga bangko. Noong 2001, mahigpit na nilimitahan ng gobyerno ng Argentina ang access sa mga bank account noong nagkaroon ng krisis sa ekonomiya na kilala bilang "Corralito." Ang epekto ng matitinding mga hakbang na ito ay sariwa pa rin sa alaala sa buong bansa ng Argentina. Sa katunayan, ipinapakita sa survey ng AMI na 46% ng mga Argentine ang bumibili ng crypto para "maiwasan ang pagkontrol ng gobyerno;"
Ano ang batas ng Argentina patungkol sa cryptocurrency?
Ang mga batas na may kinalaman sa cryptocurrency ay laging maaaring magbago, at isinulat ang bahaging ito para mailarawan ang legalidad nito sa Argentina sa kasalukyan ng petsa ng paglalathala ng artikulong ito. Ang Argentina ay hindi tumatanggap ng BTC bilang legal tender pero hindi naman nito ipinagbabawal ang cryptocurrency tulad ng China. Bagama't medyo malabo ang mga batas ng bansa tungkol sa crypto, hindi pa inaanunsyo ng gobyerno ang isang ganap na pagbabawal sa teknolohiyang ito. Noong huling bahagi ng 2022, inanunsyo ng gobyerno ng Argentina na sila ay bumubuo ng isang "pambansang komite sa blockchain" para mapag-aralan ang regulasyon ng cryptocurrency sa Argentina.
Bukod pa riyan, ipinagtibay din ng ilang lungsod at lalawigan ang mga patakarang ito na pabor sa crypto para makatulong sa paglago ng industriyang ito. Halimbawa, inanunsyo ng pamahalaang panlalawigan ng Mendoza na tatanggapin nila ang mga buwis na binabayaran sa stablecoin tulad ng USDT. Noong 2022, sinabi ng kabisera at pinakamalaking lungsod ng Buenos Aires na plano nilang tumanggap ng crypto para sa mga buwis. Plano rin ng pamahalaan ng Buenos Aires na mag-run nga mga validator node sa Ethereum 2.0 blockchain sa taong 2023.
Buo ang suporta ng lalawigan ng San Luis sa paggamit ng crypto sa mga nakaraang taon. Kamakailan, inanunsyo ng mga opisyal na ilalaan nila ang kabang-yaman bilang kolateral para sa isang bagong stablecoin na nakatali sa halaga ng USD na kilala bilang "Activo Digital San Luis de Ahorro." Sinabi rin nilang i-isponsoran ng lalawigan ang mga local artist sa darating na NFT (non-fungible token) project.
Bagama't bahagyang maluwag ang mga patakaran ang Argentina patungkol sa crypto, hindi pinapayagan ng BCRA ang mga pambansang bangkong makipagkalakan ng mga digital asset o mag-alok ng crypto sa mga kliyente nito. Matapos subukan ng Banco Galicia na mag-alok ng crypto trading services sa 2022, ipinagbawal ng mga miyembro ng BCRA ang mga crypto transfer sa loob ng tradisyonal na mga pinansyal na institusyon.
Madalas na naglalabas ang mga regulator sa Argentina ng mga babala tungkol sa mga high-risk crypto asset, lalo na ang ICOs (initial coin offerings). Pinangunahan din ng ahensya ng buwis ng Argentina ang mga pagsalakay sa mga crypto mining farm noong Oktubre 2022. Gayunpaman, walang batas ang Argentina na nagbabawal sa mga lisensyadong residente at kumpanya mula sa pag-mine ng mga proof-of-work (PoW) cryptocurrency.
Paano ginagamit ng mga Argentine ang crypto?
Bagama't karamihan sa mga Argentine ay bumibili ng crypto bilang pangmatagalang investment, ginagamit ng mga residente ang mga digital asset nila sa Web3, maging sa pang-araw-araw na buhay.
- Store-of-value investment: Ayon sa datos ng survey ng AMI, higit 50% ng mga Argentine ang bumibili ng mga crypto asset bilang "inflation hedge" tulad ng ginto. Bumili man ang mga Argentine ng Bitcoin, Ethereum o mga stablecoin, marami ang naniniwalang mas malaki ang tsansang mapapanatili nito ang halaga nito kaysa sa peso.
- Padala mula sa ibang bansa (remittance): Ayon sa datos ng World Bank, tumatanggap ang Argentina ng humigit-kumulang $650 milyon sa mga remittance kada taon. Napag-alaman ng mga mananaliksik ng Chainalysis na mas maraming Latin American na nagtatrabaho sa ibang bansa ang nagre-remit ng mga Bitcoin, lalo na sa mga bansang may mas maluwag na mga batas patungkol sa crypto. Ngayong magagamit na ng Argentina ang Bitcoin Lightning Network sa mga app tulad ng Strike, mas marami pang manggagawa sa ibang bansa ang makatutuklas ng mga benepisyo ng mga internasyonal na transaksyon sa crypto.
- Pang-araw-araw na pagbili at buwis: Mas marami nang negosyo sa Argentina at lokal na pamahalaan ang tumatanggap ng crypto bilang lehitimong paraan ng pagbabayad. Ayon din sa datos ng AMI, mahalagang merkado ang Argentina para sa mga crypto debit at credit card. Halimbawa, nagpasya ang Mastercard at crypto exchange na Binance na magkasamang ilunsad ang isang prepaid crypto debit card sa buong bansa.
- DeFi activity: Natuklasan ng Chainalysis na halos 25% ng mga transaksyon sa crypto sa Argentina ay nangyari sa mga DeFi (decentralized finance) app. Bagama't mas mababa ito kaysa sa mga bansa tulad ng Chile o Brazil, nagpapahiwatig itong mas maraming Argentine ang handang sumubok ng mga bagong serbisyo tulad ng decentralized exchanges (DEXs), mga staking pool at mga crypto-backed loan.
Paano bumibili ng crypto ang mga tao sa Argentina?
Habang tumataas ang demand para sa mga digital currency, mas maraming crypto exchange ang nagnanais mag-alok ng mga serbisyo nila sa Argentina. Maraming centralized exchanges (CEXs) tulad ng Coinbase, Kraken at Gemini ang nag-aalok sa mga kliyente nilang Argentine ng iba't ibang serbisyo sa crypto. Inanunsyo rin ng crypto app na Strike na susuportahan na nila ang Argentina sa unang bahagi ng 2022.
Bukod pa rito, maraming bumibili sa mga peer-to-peer exchange, kung saan sila nakikipagkasundo sa mga indibidwal online, sumasang-ayon sa mga kundisyon nila at direktang nakikipagpalitan.
Kahit na ang CEXs at mga crypto app ang pinakamadalas na gamiting paraan ng pagbili ng crypto ng mga Argentine, ang mga lungsod tulad ng Buenos Aires at Rosario ay may pisikal na mga Bitcoin ATM. Ipinakikita ng on-chain data mula sa Chainalysis na gumagamit ang ilang Argentine ng DEXs tulad ng Uniswap para sa mga peer-to-peer crypto transfer.
Pagbubuod
Ang mga bansa sa Latin America tulad ng Argentina ay kabilang sa pinakamalalaking mga tagasuporta ng cryptocurrency. Habang patuloy na bumababa ang halaga ng Argentine peso dahil sa implasyon, mas maraming mga Argentine ang naniniwalang ang BTC, ETH at mga stablecoin ay mas ligtas na alternatibo para sa pangmatagalang pag-iipon. Bukod pa rito, habang paparami na nang paparami ang mga negosyo at pamahalaang panlalawigan ang tumatanggap ng mga stablecoin para sa mga transaksyon, mas marami nang paraan ang mga lokal para gumamit ng crypto. Habang hindi pa malinaw kung paano makaaapekto ang crypto sa hinaharap ng Argentina, malinaw na magkakaroon ng malaking papel ang mga digital asset sa ekonomiya ng bansang ito.
Sa World, naniniwala kaming ang mga cryptocurrency ay maaaring magbigay-lunas sa mga isyung tulad ng implasyon at hyperinflation. At para makahikayat pa ng mga taong alamin ang mga benepisyo ng mga crypto asset, mamimigay kami ng libreng mga DAI stablecoin sa sinumang magda-download ng Worldcoin app. Mag-subscribe sa YouTube channel namin para alamin pa ang tungkol dito.