Pahayag ukol sa Pagsisiwalat ng Panganib

Binago: Ika-5 ng Mayo, 2025

Ang World Foundation, katuwang ang aming mga subsidiaryong entidad ("World" o "kami", "amin" kapag pinagsama-sama), ay itinatag upang bumuo at pangasiwaan ang World protocol, isang pagsasama-sama ng mga software application, hardware device, mga smart contract na nakabase sa blockchain network, mga digital asset, at mga kaugnay na alituntunin at pamamaraan (ang "Protocol" kapag pinagsama-sama). Ang aming layunin ay ang ipatupad ang pinakamalaking desentralisadong network ng pagkakakilanlan at pananalapi sa buong mundo (ang "Proyekto"). Ang Protocol ay pangunahing idinisenyo bilang isang open-source na pampublikong serbisyo na maaaring ma-access ng sinumang interesado rito. Ang pinakamahalagang bagay sa Protocol ay isang network ng pagkakakilanlan sa buong mundo na pinangangalagaan ang pribasiya na kilala bilang World ID ("World ID"), at isang crypto asset, ang Worldcoin token ("WLD"). Ang mga user ng World ID ay maaaring makilahok sa paggabay sa pamamahala ng Protocol at mag-ambag sa Proyekto kasama ang komunidad ng mga developer, ekonomista, teknolohista at iba pang kalahok sa buong mundo. Ang mga WLD token ay maaari ring gamitin bilang kabayaran.

Ang Protocol at ang mga bahagi nito, kabilang ang WLD token, ay mga eksperimental na teknolohiya. Ang layunin ng Proyekto ay ang mabilis na desentralisasyon, kung saan ang mahahalagang mga desisyon sa pamamahala ay pagpapasyahan ng komunidad. Dahil dito, mayroong hindi tiyak na mga bagay hinggil sa malawakang paggana ng mga teknolohiyang ito at pagtanggap at paggamit ng mga user nito sa buong mundo.

Bago makilahok sa Proyekto, maging sa pagtanggap ng mga grant ng WLD mula sa World o pagkuha ng mga WLD token sa iba pang transaksyon, kailangan mong basahing maigi ang sumusunod na impormasyon para lubos na maunawaan ang mga layunin ng Proyekto at ang kaugnay na mga panganib nito. Ang Proyekto at mga WLD token ay inilaan lamang para sa mga user na may sapat na kaalaman at nasa hustong gulang na para tumanggap ng mga posibleng benepisyo at kaugnay na mga panganib. Ang Proyekto ay aming ibinibigay nang kung ano lamang ito, nang walang garantiya. Ang karagdagang mahahalagang paalala at legal na pananagutan ay makikita nang detalyado sa aming Mga Tuntunin ng Serbisyo.

Ang mga WLD token ay nagbibigay-daan sa pakikipag-ugnayan sa Protocol at maaaring magsilbing paraan ng pagbabayad sa hinaharap. Wala itong anumang karapatan sa pagmamay-ari sa World o iba pang entidad at hindi rin ito kumakatawan sa mga bahagi ng pag-aari (o equity) o karapatan sa dibidendo o distribusyon. Ang mga WLD token ay hindi produkto ng pamumuhunan; wala kang dapat asahan na kita o tubo mula sa pagbili o pagbebenta ng mga ito.

Maaaring walang agarang halaga ang mga WLD token. Ang mga merkado ng pakikipagpalitan para sa mga WLD token, kung mabubuo, ay maaaring lubhang magpabago-bago at maapektuhan ng mga salik na may kaugnayan sa Proyekto, ng pangkalahatang kondisyon ng merkado ng cryptocurrency, at ng mga pangyayari sa politika o ekonomiya. Dapat lamang maghawak ng mga WLD token ang mga user na handang isugal ang posibilidad na mawala ang lahat ng ito.

Ang mga sinasabing presyo sa merkado ng mga WLD token ay maaaring hindi tumugma sa aktwal na halagang maipagpapapalit sa iyong hurisdiksyon at maaaring maapektuhan dahil sa mga pagmamanipula, kabilang na ang self-dealing o wash-trading, na nagpapahirap sa pagtataya sa halaga ng mga ito para sa mga transaksyong komersyal. Ang mga pagbabago sa regulasyon ay maaaring makaapekto sa mga pamilihan para sa pagbebenta ng token.

Bagama't may ilang pangunahing retailer at komersyal na entidad na nagsisimula nang tumanggap ng digital asset bilang bayad, kakaunti pa rin ang ganitong paggamit. Malaking bahagi ng demand sa crypto ay nananatiling espekulatibo. Para magtagumpay ang Proyekto, kinakailangan ang partisipasyon at pagtanggap sa Protocol sa buong mundo; kapag ito ay nabigo, maaaring maging maliit o mawalan ng halaga ang mga WLD token.

Ang WLD token ay mga ledger entry sa mga blockchain public address (hal., World Chain, Optimism network), na kinokontrol gamit ang mga private key. Ang pagkawala o pagkakompromiso ng mga private key na nakatago sa software, hardware wallet, crypto marketplace, o iba pang paraan ay hahantong sa tuluyang pagkawala ng mga token. Ang hindi awtorisadong pag-access ng mga third party ay maaari ring humantong sa pagkalustay ng mga token. Wala kaming kakayahan, maging ang ibang entidad, na mabawi ng nawalang mga WLD token.

Sa kasalukuyan, ang mga WLD token ay ipinamamahagi namin sa pamamagitan ng World App, ang unang wallet na tugma sa Protocol na ipinatatakbo ng Tools for Humanity Corp, isang kumpanyang nakabase sa Estados Unidos na may kaugnayan sa pag-develop ng Proyekto. Ang World App ay isang self-hosted wallet; wala kaming access dito, gayundin ang kahit anong third party, sa iyong mga private key. Ang pagkawala o pagkakompromiso ng mga private key o mga kredensyal mo sa pag-login sa mga hosted wallet ay hahantong sa permanenteng pagkawala ng token. Ang mga error o depekto sa mga digital wallet o vault, o maling pamamaraan ng pagbili at pagtanggap ng token, ay maaari ring humantong sa pagkawala ng mga token.

Hindi tiyak ang pagtukoy sa buwis ng mga WLD token sa maraming hurisdiksyon. Kailangang kumonsulta ang mga user sa kani-kanilang mga tagapayo sa buwis ukol sa mga implikasyon ng pagmamay-ari at paggamit ng mga ito. Ang mga transaksyong may kaugnayan sa mga WLD token, kabilang ang pagbili, pagbebenta, o pagbabayad, ay maaaring mapatawan hindi kanais-nais na buwis gaya ng buwis sa kita, capital gains, o withholding tax, pati na rin ng mga obligasyon sa pag-uulat. Ang kawalang-katiyakan sa pagtukoy sa buwis ay maaaring magpabagal sa pagtanggap nito sa mga negosyo o sa palitan ng token, at maaaring magpababa sa halaga ng mga WLD token.

Ang balangkas ng regulasyong namamahala sa Protocol at mga WLD token ay nananatiling hindi tiyak sa maraming mga hurisdiksyon. Ang mga pagbabago sa regulasyon o pagpapatupad ay maaaring makaapekto nang negatibo sa mga WLD token, kabilang na ang pagtukoy na labag ang mga pamamaraan ng beripikasyon, regulasyong tumutukoy sa pangangailangang magparehistro o kumuha ng lisensya, o mga pananagutang dulot ng partisipasyon ng mga may hawak ng token sa pamamahala. Ang gayong mga desisyon ay maaaring magpahinto sa pamamahagi ng WLD o ng buong Proyekto.

Ang pampublikong patakaran ukol sa cryptocurrency at pamamahagi ng token ay patuloy na nagbabago. Maaaring palawakin ng mga regulator ang kanilang nasasakupang regulasyon o magbigay ng interpretasyong hindi pabor sa Proyekto. Ang mga pangangailangan ng hurisdiksyon para sa pagpaparehistro o pagkuha ng lisensya para sa token ay maaaring makaapekto nang negatibo sa gamit ng token, at maaaring makaapekto rin sa tuloy-tuloy naming suporta sa Proyekto.

May ilang hurisdiksyon, kabilang ang European Union (MiCA framework), na nagpatupad ng mga batas na direktang nakakaapekto sa pamamahagi at pagbebenta ng crypto asset. Ang mga panukalang batas sa Kongreso ng Estados Unidos ay maaaring makaaapekto rin sa mga kakayahan ng crypto asset. Ang mga batas o regulasyong ito ay maaaring negatibong makaapekto sa operasyon ng Protocol at paggamit ng mga WLD token.

Ang pangunahing teknolohiya ng Protocol ay maaaring mayroong mga depekto o hindi gumana gaya ng inaasahan, at posibleng mabawasan ang paggamit ng mga user nito at limitahan ang partisipasyon ng mga bagong user. Ang mga error sa pag-code o hindi inaasahang functionality ng Protocol ay maaari ring makaapekto nang negatibo sa mga WLD token.

Maaaring kaharapin ng Protocol ang malisyosong mga cyberattack o mga kahinaan sa code na maaaring makakompromiso sa seguridad at functionality nito.

Ang open-source structure ng Protocol at ang iba't ibang software application at iba pang interface na binuo dito ay nasa early development stage pa lamang at hindi pa nasusubok. Hindi namin matitiyak sa iyo na ang Protocol at ang mga paraan ng paglikha, paglilipat, o pag-iimbak ng mga WLD token ay walang patid o ganap na ligtas. Maaari itong magpababa ng interes o paggamit sa Protocol at mga WLD token. Ang Protocol o mga WLD token ay maaaring maapektuhan ng mga pag-atake sa seguridad, kabilang na ang double-spending o 51% ng mga pag-atake, at maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa mga may hawak ng WLD token o sa Protocol. Ang mga social o presentation attack at mga hardware vulnerability ay maaari ring makakompromiso sa seguridad ng Protocol, at makasira sa reputasyon ng Proyekto at magpapababa sa pagtangkilik ng mga user.

Bilang bahagi ng Proyekto, kami, o ang Tools for Humanity sa ngalan namin, ay maaaring mangolekta ng ilang uri ng personal na datos, kabilang na ang sensitibong personal na datos, para sa mga pinahihintulutang layunin tulad ng pagsunod sa anumang naaangkop na legal na KYC/AML na kinakailangan. Ang anumang pagkabigo na mapigilan o mabawasan ang mga paglabag sa seguridad o maling pag-access, paggamit, o pagbubunyag ng nasabing datos ay maaaring negatibong makaapekto sa Proyekto, kabilang na ang pagbawas sa kakayahan naming mapanatili o makaakit ng mga bagong user, at pagkakagambala ng aming mga operasyon.

Ang mga pandaigdigang benepisyo ng Protocol ay nakasalalay sa matagumpay at patuloy na operasyon ng mga Orb para makapag-onboard ng mga bagong user. Ang pagpapatakbo ng mga Orb ay maaaring maging bago para sa mga operator at user sa iba't ibang hurisdiksyon at maaaring hindi magamit nang wasto ang mga Orb ng mga nagpapatakbo nito.

Walang katiyakan na ang mga operator ng Orb, user, o iba pang third party ay makapagpapatakbo ng mga Orb nang wasto. Ang anumang aksidente, pinsala, o danyos na resulta ng hindi wastong pagpapatakbo ng mga Orb ay maaaring makasama sa Proyekto.

Ang tagumpay ng Proyekto ay nakasalalay sa paggawa, pamamahagi, at pagpapanatili ng mga Orb hardware device at kaugnay na software na siyang lumilikha ng mga bukod-tanging World ID. Kami ay umaasa sa Tools for Humanity para sa pagmamanupaktura at pamamahagi sa ilalim ng limitadong lisensiya. Ang pagkaantala sa supply chain, hindi sapat na kapasidad ng pagmamanupaktura, o hindi inaasahang pagtaas ng gastusin ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa onboarding, at magpababa ng interes, tiwala, at halaga ng mga WLD token sa buong mundo.

Kami ay umaasa sa mga third-party provider para sa pagkilala at pagsusuri ng mga Orb operator. Ang pagkaantala sa mga third-party service na ito ay maaaring makasagabal sa aming kakayahang masuportahan ang Protocol. Maaaring maging limitado ang pagkakaroon ng mga kwalipikadong operator dahil sa pang-ekonomiyang mga salik o malaking gastusin sa pagpapatakbo nito, at maaaring maging hadlang sa pagtangkilik sa Protocol.

Ang mga paglabag sa seguridad o pribasiya ng datos, kabilang ang hindi awtorisadong pag-access o maling paggamit ng datos ng user na aming nakolekta o ng mga third-party provider, ay maaaring magdulot ng pagkaantala o pagtigil ng Proyekto, at makahadlang sa pagpapanatili ng mga user at operasyon.

Ang matagumpay na operasyon ng mga Orb sa buong mundo para makapag-onboard ng mga user ay may mga kaakibat na panganib na dulot ng maling paggamit ng mga operator o kawalan ng karanasan ng mga user. Ang maling paggamit ay maaaring magdulot ng pinsala, pagkasira ng ari-arian, o pagkasira ng reputasyon, at maaaring humantong sa pagdedemanda laban sa amin. Bagama't ang mga third-party provider ang namamahala sa kwalipikasyon ng operator, maaaring hindi matukoy ng kanilang proseso ang lahat ng kaugnay na impormasyon, kung kaya't nagkakaroon ng mga panganib ng kriminalidad o paglabag. Ang hindi magandang balita o pananaw ng user ukol sa kaligtasan ng Protocol ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa pagtanggap at kakayahan nitong makapagpatuloy.

Mangyaring pag-isipan nang maigi ang mga panganib na ito bago makilahok sa Network o sa paggamit ng mga WLD token.