Abril 30, 2025 10 Minutong Pagbabasa

Ipinakikilala ang World ID Fees

Abstraktong disenyo ng mga purple na parisukat sa maliwanag na turquoise na background.

Pinalalawak ng World Foundation ang World ID protocol para ipakilala ang World ID fees, na babayaran gamit ang WLD. Mananatiling libre ang paggamit para sa mga end user habang ang mga aplikasyon ay sisingilin sa paggamit ng mga serbisyo ng World ID. Ang bawat tagapagpalabas ng mga kredensyal ay maaaring magtakda at magpanatili ng sarili nilang bayad para sa kredensyal, habang ang hiwalay na bayad sa protokol ay mapupunta pabalik sa protokol mismo.

Ipinapakita ng ilustrasyon ang simbolo ng gear na may mga paikot na arrow sa paligid nito, na kumakatawan sa isang proseso o sistema. Nakaposisyon ang dalawang asul na Orb sa magkasalungat na dulo ng siklo, na nagpapahiwatig ng interaksyon o tuloy-tuloy na operasyon.

World ID: Pagpapatunay ng Pagkatao sa Panahon ng AI

Ang World ay bumubuo ng network ng tunay na mga tao para ang bawat tao ay makinabang sa panahon ng AI. Sa kasalukuyan, 26 milyon na mga indibidwal ang sumali na sa World Network at 12.3 milyon katao ang may beripikadong Orb na World ID. Mabilis na lumalaki ang network ng mga beripikadong indibidwal, na tinatayang mahigit 1500 Orb na kasalukuyang aktibo sa field para beripikahin ang bukod-tanging pagkatao sa 23 bansa.

Ang World ID ay isang protokol na nagpapagana ng pangangalaga sa pribasiya ng identity network sa buong mundo. Sa pinakapundasyon nito ay ang patunay ng pagkatao na kredensyal na ibinibigay ng Orb. Bukod pa rito, ang World ID protocol sa hinaharap ay magpapahintulot sa anumang entity (hal. mga negosyo o institusyong pamahalaan) na lumikha ng bagong World ID Credential (hal. point report o sertipiko ng unibersidad), na maaaring ilakip ng mga indibidwal sa kanilang World ID.

Pinapayagan ng World ID ang mga indibidwal na magbahagi ng impormasyon tungkol sa kanilang sarili nang hindi isiniwalat ang kanilang tunay na pagkakakilanlan. Halimbawa, ang mga indibidwal na beripikado ng Orb ay maaaring mapatunayan sa isang aplikasyon (kilala rin bilang relying party) na “Ako ay isang bukod-tanging tao,” habang ang mga taong nagdagdag ng kredensyal ng pasaporte ay maaaring patunayan na “Ako ay 18 taong gulang pataas” o “Ako ay isang mamamayan ng US.” Ang mga kredensyal ay maaari ring pag-ugnayin para makabuo ng pinagsamang patunay, halimbawa “Ako ay isang bukod-tanging tao na higit 18 taong gulang,” nang hindi ibinubunyag ang iba pang impormasyon.

Dahil sa mabilis na pag-unlad ng kakayahang manggaya ng AI' sa mga tao, sang-ayon ang mga eksperto na ang ilang uri ng patunay ng pagkatao ay magiging mahalagang imprastraktura para sa nakararaming tech platform. Halimbawa, tinukoy ng Pangulo ng Microsoft na si Brad Smith ang mga deepfake bilang kanyang pinakanakababahalang isyu kaugnay ng AI at nanawagan ng mga bagong paraan para matukoy ang pagkakaiba ng tunay at pekeng content. Isang magkasanib-puwersang balita mula NSA, FBI, at CISA ang nagbabala na ang mga banta mula sa synthetic media tulad ng deepfake ay “labis na dumami,” na nagdudulot ng lumalaking hamon para sa kasalukuyang mga sistema ng seguridad.​ Gayundin, tinataya ng mga analyst ng Gartner na sa 2028, isa sa apat na aplikante sa trabaho ay synthetic na persona na gumagamit ng deepfake na teknolohiya para sa video, pakikipag-usap gamit ang boses, at mga kredensyal, na nagpapahina sa tradisyunal na mga paraan ng pagtukoy sa pandaraya tulad ng video interview.

Dahil dito, parami nang parami sa mga industriya ang napagtantong kinakailangan talaga ng mapagkakatiwalaang patunay ng pagkatao. Halimbawa, may malaking problema sa mga bot ang social media at mga messaging app. Sa pagbabangko at pinansya, laganap ang deepfake scam at pataas nang pataas ang insidente, kaya lalong nagiging mahirap ang pagtukoy sa pandaraya at pagsunod sa financial compliance. Ang sektor ng gaming at entertainment ay nahihirapan sa age controls at AI impersonation.  Pati ang mataas na edukasyon at mga serbisyo ng pamahalaan ay nakararanas ng labis na pagkalugi dahil sa AI-enabled na panloloko. Sa huli, maaaring mangailangan na rin ang mga AI Agent ng teknolohiyang tulad ng World ID para ang mga tao ay makapangasiwa ng awtoridad sa mga agent.

Ang mga aplikasyon na naghahanap ng mapagkakatiwalaang patunay ng pagkatao ay maaaring gamitin ang World ID ngayon, na marami sa kanila ang nakagawa na o kasalukuyang ginagawa ito. Halimbawa:

  • Ang Razer, isang lider sa mga eSport tournament, ay gumamit ng World ID para beripikahin ang mga tunay na taong player. Sa mga multiplayer game tulad ng TokyoBEAST, makatutulong ang World ID para matiyak na mga tao ang naglalabanan—hindi AI.
  • Ang Match Group, ang unang kumpanya sa mundo ng online dating, ay nagpa-pilot ng World ID sa kanilang mga dating platform (halimbawa, Tinder, Hinge, at Plenty of Fish). Makatutulong ang World ID na pataasin ang tiwala ng mga user sa kanilang mga sasabihin online, dahil alam nilang tunay na tao ang kanilang kausap, at mas mapapadali ang mga pagkontrol sa edad.
  • Ang mga merchant sa Shopify, isa sa pinakamalalaking eCommerce platform sa mundo', ay nag-iintegrate ng World ID sa kanilang mga online na tindahan. Ang integrasyong ito ay nagpapahintulot sa kanila na magpatakbo ng mga promo na ligtas sa bot, mag-alok ng mga limitadong product drop na eksklusibo sa mga beripikadong tao, magpahusay sa pagtukoy sa pandaraya, at lumikha ng mas mapagkakatiwalaan at ligtas na karanasan sa pamimili.
  • Ang Hakuhodo, pangalawang pinakamalaking marketing agency sa Japan, ay nagmumungkahing gumamit ng World ID para lumikha ng ad network na ligtas sa pandaraya para abot-kayang maabot pa ang mas maraming bukod-tanging tao—hindi ang mga bayad na “click farmers”.

Pangmatagalang pagpapanatili ng World ID Protocol

Bago ipaliwanag ang mga mekanismong pang-ekonomiyang sumusuporta sa World ID protocol, makabubuting linawin muna ang estruktura ng pag-aari at pamamahala nito. Ang World Foundation ang tagapangalaga ng proyekto ng World, na siyang sumusuporta at nagpapalago ng komunidad hanggang ang proyekto ay maging self-sufficient na. Pagmamay-ari ng Foundation ang IP para sa World ID protocol, ang Orb, at World Chain. Ang World Foundation din ang nangangasiwa sa 75% ng lahat ng token ng Worldcoin (WLD) na naitalaga sa World Community. Inilaan ng Foundation ang mga token na ito para sa tatlong layunin: (a) mga user token, (b) mga network operation, at (c) ecosystem building (para sa mga detalye, tingnan ang blog post na ito).

Ang proyekto ng World ay sinusuportahan ng dumaraming ecosystem ng mga service provider. Ang Tools for Humanity, na siyang paunang kumpanya na gumawa ng proyekto, ang kasalukuyang pinakamalaking service provider, at siyang may-ari ng IP ng World App – ang unang wallet app sa World Network.

Bilang bahagi ng misyon nito, layunin ng World Foundation na unti-unting idesentralisa ang ecosystem at gawing sapat na ang proyekto. Sa konteksto ng World ID protocol, may dalawang pangunahing bahagi ito:

  • Mga incentive para sa mga tagapagpalabas ng kredensyal: Pahintulutan ang mga tagapagpalabas ng kredensyal na makalikha ng sapat na kita para sila ay ma-engganyo maglabas at panatilihin ang kanilang mga kredensyal.
  • Pagpapanatili ng protokol: Lumikha ng sapat na kita para maging pangmatagalan ang protokol.

Sa bahaging ito, magpapakilala ang Foundation ng World ID fees sa lalong madaling panahon.

World ID Fees: Pagsingil sa mga Aplikasyon – hindi sa mga User

Ang World ID fees ay sisingilin sa mga aplikasyon, habang ang paggamit ng protokol ay nananatiling libre para sa mga end user.

Ang halaga ng World ID ay natatamo kapag isinama ito ng mga aplikasyon para mas pagandahin ang kanilang mga kasalukuyang serbisyo o paganahin ang mga bagong serbisyo—na maaaring magdala pa ng mga bagong business model na dating hindi maisakatuparan. Isang kinikilalang halimbawa para dito ang Aqua mini app, na gumagamit ng World ID para sukatin ang online engagement mula lamang sa mga beripikadong tao. Tinitiyak na ang mga content creator ay nababayaran base lang sa tunay na interaksyon ng user at hindi batay sa ginawa ng bot. Kaya naman, natural lamang na singilin ng protokol ang mga aplikasyon para sa paggamit ng mga serbisyo ng World ID. Nasanay na ang mga aplikasyon na magbayad para sa mga sangkap na kanilang ini-integrate at inaasahang makikita nila ang halagang dinadala ng World ID sa kanilang mga produkto. Tinitiyak ng pamamaraang ito na ang bahagi ng halagang nilikha para sa mga aplikasyon ay mapupunta sa mga tagapagpalabas ng kredensyal at sa protokol.

Kasalukuyang nagsasagawa ang World Foundation ng mga kinakailangang pagbabago sa protokol para makapagsimulang maningil ng World ID fees sa mga aplikasyon. Asahang ilalabas ang buong detalye ng mga teknikal na pagbabagong ito para sa pampublikong pagsusuri sa Q3 2025.

Mga Detalye tungkol sa World ID Fees

Ang World ID fees ay binubuo ng dalawang bahagi:

  1. Bayad sa kredensyal: Bawat tagapagpalabas ng kredensyal (hal., World Foundation para sa kredensyal ng Orb, mga negosyo o institusyong pamahalaan para sa kanilang mga kredensyal) ay maaaring magtakda ng bayad para sa kanilang kredensyal at matatanggap nila ang kaukulang kita mula rito. Tinitiyak nito na may incentive ang mga tagapagpalabas ng kredensyal para makabuo at mapanatili ang kanilang mga kredensyal.
  2. Bayad sa protokol: Magtatakda ang protokol ng base fee at maniningil ng karagdagang kaunting halagabukod pa sa bayad sa kredensyal. Tinitiyak nito na magkakaroon ng sapat na kita para maging self-sufficient ang protokol.

Mula sa pananaw ng isang aplikasyon, iisa lamang ang World ID fee – ang kabuuang bayad sa kredensyal at bayad sa protokol. Ang World ID fee ay sisingilin kapag humiling ang isang aplikasyon (may natatanging app id) ng patunay ng World ID.

Ipatutupad ang pagbabayad ng fee sa antas ng protokol. Isa ito sa mga katangiang pinagana ng private state blockchain na ginagamit sa arkitektura ng World ID para sa hinaharap (tingnan dito para sa teknikal na detalye tungkol sa ginamit na cryptography). Sa madaling salita, ang private state blockchain ay maaaring mag-update ng panloob nitong estado nang hindi na-oobserbahan ng iba, habang nananatili itong permissionless. Ang paggamit ng private state blockchain ay magbibigay-daan sa mga feature para sa World ID protocol (hal. World ID recovery at paggamit ng maraming wallet). Mahalaga ito dahil dito iiimbak ang ilang bahagi ng application state na nauukol sa bawat beripikadong user. Awtomatikong susuriin ng World ID smart contract kung nabayaran na ang fee bago pa man magbigay ng resibo ng state change mula sa private state blockchain na magbibigay-pahintulot sa user na gumawa ng patunay. Sa ganitong paraan, tinitiyak din sa paggamit ng private state blockchain na hindi malalampasan ng mga aplikasyon ang World ID fees, dahil hindi nila maaaring makita ang estado ng blockchain.

Diagram na naglalarawan sa pangkalahatang-ideya ng pagpapatupad ng World ID fee, na nagpapakita ng mga istruktura ng bayad at daloy ng mga bayarin sa loob ng World ecosystem.

Larawan 1: Pangkalahatang-ideya ng nilalayong implementasyon ng World ID fee

Ipinapakita ng Larawan 1 ang pangkalahatang-ideyang binabalak na implementasyon ng World ID fee, gamit ang halimbawa ng user na nakapagparehistro na sa tagapagpalabas ng kredensyal at naitala na ang kanilang kredensyal sa private state blockchain. Ganito gumagana ang World ID fees: (1) Ang aplikasyon na nakakabit na sa World ID ay humihiling ng patunay (hal., ng bukod-tanging pagkatao) mula sa user. (2) Ang user (sa pamamagitan ng World ID app katulad ng World App) ay nagdesisyon na isagawa ang kahilingan sa World ID smart contract sa private state blockchain. (3) Awtomatikong itinatakda ng smart contract ang pagbabayad ng fee sa WLD mula sa wallet na naka-link sa nagre-request na aplikasyon. (4) Ang kaukulang bayad sa kredensyal ay binabayaran sa wallet ng tagapagpalabas ng kredensyal, at ang bayad sa protokol ay binabayaran sa wallet ng protokol. (5) Ina-update ng World ID smart contract ang sarili nitong estado. (6) Nagpapadala ng resibo ng state change ang World ID smart contract sa user. (7) Ang app ng user ay bumubuo at nagpapadala ng patunay ng World ID sa aplikasyon.

Maniningil ang World ID smart contract ng fees sa pamamagitan ng pagbabayad gamit ang WLD, ibig sabihin kinakailangang magpaunang pondo ang app wallets sa private state blockchain gamit ang WLD. Ang mga Web3-native na aplikasyon ay maaaring maglagay ng paunang pondo sa kanilang wallet sa blockchain. Bilang alternatibo, maaaring gumamit ang aplikasyon (hal., mga Web2 platform) ng mga third-party na serbisyo para sa paunang pondo ng wallet, na siyang hahawak naman sa pagpapaunang pondo para sa kanila at maniningil sa aplikasyon gamit ang fiat. Alinman sa dalawa, sa bandang huli ay ang mga WLD token pa rin ang gagamitin na pambayad sa lahat.

Mga mekanismo sa pagpepresyo

Ipinapalagay sa Larawan 1 na ang World ID fees ay binabayaran para sa bawat patunay ng World ID. Sa aktwal, maaaring pumili ng anumang mekanismo sa pagpepresyo ang bawat tagapagpalabas ng kredensyal na tugma sa arkitekturang ipinapakita sa Lawaran 1. Dahil ang mga mekanismo sa pagpepresyo ay ipinatutupad bilang mga smart contract sa private state blockchain, nagiging posible ang maraming opsyon, kasama na ang:

  • Bawat patunay: Maaaring may bayad para sa bawat patunay ng World ID.
  • Bawat buwanang aktibong user: Maaaring may bayad para sa bawat buwanang aktibong user (bawat app-id). Para sa bawat user, kokolektahin ang bayad sa unang beses na humingi ng patunay para sa user na iyon sa isang buwan. Dahil ang pag-compute ay ginagawa sa loob ng private state blockchain, maipapatupad ang modelong bawat-buwanang-aktibong-user nang hindi ibinubunyag ang pagkakakilanlan ng mga user.
  • Free Tiers: Ang unang 1000 user o unang 1000 patunay ay maaaring makalibre.
  • Volume discounts: Ang bawat-user o bawat-patunay na bayad ay maaaring bumaba kapag malaki ang volume.
  • Discount para sa partikular na aplikasyon: Maaaring magbigay ng discount ang tagapagpalabas ng kredensyal sa ilang mga aplikasyon (hal., NGOs), o kahit ibigay ng libre ang kanilang mga kredensyal.
  • Proporsyonal na bayad ayon sa halagang pang-ekonomiya: Maaaring mag-alok ang tagapagpalabas ng kredensyal ng maraming bersyon ng patunay sa iba’t ibang halaga ng bayad, na may ilang bersyon na sadyang mababa ang lebel ng katiyakan sa patunay, para makapili ang aplikasyon sa antas na akma sa kanilang mga pangangailangan.

Habang maraming posibleng mekanismo ng pagpepresyo, malamang ay mas pipiliin ng karamihang aplikasyon ang bawat-buwanang-aktibong-user na bayad, dahil mas madali nilang maihahambing ang bayad na iyon sa halagang dinadala ng World ID sa kanila kada user kada buwan (hal., dahil sa tumaas na ARPU). Para sa bahagi ng base fee na bayad sa protokol, makakapagdesisyon din ang pamamahala sa angkop na mekanismo ng pagpepresyo.

Magbibigay-daan din ang World ID protocol ng “chaining” ng mga kredensyal sa hinaharap; halimbawa, ang patunay ng pagkatao na kredensyal ay maaaring ipagsama sa patunay-ng-edad na kredensyal mula sa isang kredensyal ng pasaporte. Nakadepende ang halaga ng bayad sa kombinasyon ng mga kredensyal na kailangan para sa patunay ng World ID. Halimbawa, mas mababa ang bayad para sa “pagkabukod-tangi” na patunay kaysa “pagkabukod-tangi + edad” na patunay.

Paggamit ng bayad

May kapangyarihan ang bawat tagapagpalabas ng kredensyal kung paano gagamitin ang kanilang bayad para sa kredensyal. Para naman sa mga bayad sa protokol, ang World Foundation ang magsisimulang mangasiwa sa pagbabahagi nito. Sa paglipas ng panahon at pag-disentralisado ng pamamahala, ang komunidad ng World ang papalit sa responsibilidad na ito. Maaaring piliin ng komunidad na ilaan ang bahagi ng mga bayad para sa patuloy na paglago ng network—halimbawa, sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga Operator o pondo para sa User Token—o kahit gastusin ang bahagi ng mga bayad. Habang lumalaki ang World ID protocol (na may mas maraming kalahok, mas maraming aplikasyon, at mas maraming patunay ng World ID), mas maraming bayad ang malilikom na maaaring ilaan pabalik sa ecosystem para lalo itong mapalago at makabuo ng mekanismong magpapalakas dito nang kusa.

Outlook

Kasalukuyang tinatrabaho ng World Foundation ang mga pagbabago sa protokol na kinakailangan para paganahin ang mga World ID fees. Inaasahang matatapos ng Foundation ang gawaing ito at maisasagawa ang unang pilot testing para masubukan ang mekanismo ng bayad sa Q3 2025. Naniniwala ang Foundation na mahalagang maipakita nang maaga ang landas tungo sa World ID fees para ma-engganyo ang ibang partido sa ecosystem na maglabas at magpanatili ng kanilang mga kredensyal, at ipakita kung paano magiging sapat ang protokol.

Habang naghahanda ang Foundation sa paglulunsad ng World ID fees, ang pangunahing tuon nito ay nananatili pa rin sa pagpapalago ng World Network. Ipagpapatuloy din ng Foundation ang pagbibigay ng mga grant para suportahan ang komunidad ng mga developer ng mini app, tagapagpalabas ng kredensyal, at aplikasyon na nag-iintegrate ng World ID.

Paunawa

Ang post na ito ay para lamang sa layunin ng pagbibigay impormasyon at hindi nag-aalok na magbenta o nanghihikayat mag-alok na bumili ng anumang token o digital asset. Ang Tools for Humanity at ang World Foundation ay hindi nagbibigay ng payo sa pag-iinvest at hindi nagbibigay ng garantiya ukol sa hinaharap na halaga o performance ng anumang digital asset, kabilang ang WLD.